Sunday, September 1, 2013

Magna

May mga taong sobrang talino sa amin. Kwento ng mga mas nakakatanda sa akin ganoon na raw sila mula pa noon. Likas na yung angking galing nila.

Iba talaga.

Hindi naman daw sila ung mga pinakamatatalino sa klase. Hindi rin mga pinakamabilis. Hindi pinakamatapang. Basta mayroon silang "something" na hindi mo talaga makuha o ma-identify. Pero alam mong meron. At alam mong wala kang ganoon.

Itong mga anim na ito ay kinaiingitan sa amin. Nasa kanila daw kasi lahat. May magagandang asawa. Malalaking mga bahay na kung tutuusin ay mga mansion. Mga magagarang sasakyan na hindi lang para sa kanila kundi ay para rin sa lahat ng membro ng pamilya nila. Lahat ng luho, ayon sa mga balita, ay abot nila.

Grabe talaga.

Ngunit ang masama sa mga tao ay madalas lumalabas sa paligid ng ganitong klase ng mga napakagandang mga tao. Lagi silang napag uusapan. Nagiging laman ng tsismis. Nang mga kwentong  gawa gawa.

Kamakailan kasi ay may lumabas na pinakamataaas daw sa isang ahensya ng gobyerno na nagsabing hindi daw ganoon kagaling ang mga taong mga ito. Hindi raw sila kagaya ng inaakala ng mga tao. Mapanlamang daw sila. May mga pinapakita pa siyang mga papeles na nagpapatunay nito. Grabe.

Malaking iskandalo. May mga tao talagang utak talangka. Mga taong gusto hilahin ang mga nasa taas pababa. Di pa sya magkasakit ng typhoid fever at magkaroon ng 41.3 degrees Celsius na lagnat, magkaroon ng bigla-biglaang panghihina ng tuhod para laging nadadapa at magka-develop ng allergies sa chocolate cake at chicken adobo. Grabe talaga siya.

Kaya naman natuwa ako noong nakausap sila ng tinatawag na media. Ganoon kasi talaga sila kagaling. Napapansin. Iba talaga. Idol! Pero mabalik ako sa dahilan ng pagkatuwa ko.

Natutuwa ako kasi matibay pa rin sila. Hindi sila natakot at naapektuhan sa mga paninira. Tuloy pa rin sila sa paggawa ng dating ginagawa nila. Tuloy pa rin nilang ginagawa ang kung anong nakatalagang silbi nila sa munting mundo nito. Hindi sila natakot o natatakot.

Sa sobrang galing nga nang isa, sinabihan pa nya yung ibang magkaroon ng hiya. Minsan talaga sa mga espesyal na tao hindi sila natutong magkaroon nang hiya. Hindi naman necessarily pangit ito sa mga tulad nila.

Bilib pa nga ako sa pinakamatanda sa kanila. Halatang marunong. Magaling at marami nang pinagdaanan sa mundo. Sabi kasi niya, "lalabas ang katotohanan". Anlupit talaga. Hindi daw talaga sya nanguha ng pera. May pa PDAF PDAF pa silang sinasabi sa kanya na kinuha daw niya at nung lima.

Kaya nga natatawa ako minsan sa kwento nang katulong nung isa na ung anak daw ng anak nung isa sa anim na magagaling sa amin noong kakwentuhan ang kalaro nyang anak ng katulong na laging ibinibida ang idolo nyang cartoons na si Lupin dahil sa napakagaling nyang magnakaw.

Sabi daw kasi noong apo, "Wala yan sa lolo ko!"

Mga bata talaga.

Monday, June 21, 2010

Pera

Bad trip ako ngaun. Down kasi ako dahil wala akong pera.

Lahat naman taung medyo maayos ayos ang turnilyo sa ulo ay alam kung ano ang pera. Kung nagbabasa ka nito ngaun malamang naman siguro e nakahawak ka na rin nito, nakagastos at sana naman e naranasan mo na ring sumuweldo.

So, ok na ung first point. Pera, alam natin kung ano ito. OK? Agree? Wag kang magsabing hindi, mababatukan kita!

Klaruhin ko lang. Hindi ako talagang ganito. Nagiging pikunin lang ako pag nababanggit ang pera e. Anak naman kasi ng patis tong feeling na ganito, ung bang ang feeling mo e lagi ka na lang kulang pagdating sa pera. Na kahit gaano karami ang pera mo at that time e hindi mo maialis sa sarili mong maramdaman sa sariling mong kulang pa rin ito at kailangan mo pa rin ng mas marami. Nakakaasar! Nakakabaliw!

Nakikita ko nga ang sariling kong hawak hawak ang kung anong perang meron ako sa isang kamay (ung right - right handed kasi ako), at sumisigaw sa harap ng Boni station ng "Saan ako nagkulaaaaaaaaaaang!". Sabay dahan dahan akong bababa sa isang kneeling position at unti-unting titingin pataas sa 15th floor ng Cybergate building at aking wiwikain ang salitang "Saan?" ng paipit at halos pabulong.

Nakakabaliw talaga! Pak-$#*t!

*Buntong hininga*! *sigh* sa ingles. AFK muna ako....baka maitapon ko tong keyboard na to, sayang yung pera.


***Yan. I'm back. Nagmuni muni lang muna ako. Nagbilang ng mga tala. Bago un inisip ko muna ung tagalog term na equivalent ng star. Obviously, success. Naka high note ako bigla. Pero off-tangent na ako sa blog topic na to kaya babalik na ko sa tren-of-pagiisip ko.

Naisip ko na kung ano ang gagawin ko para hindi naman daw ako masyadong down kapag nagpapawakawala ng pera. Afterall, way of the world na yan, ang pag-gastos ng pera at ang pagpapakapagod at pagsugal ng kalusugan para kumita ng pera pamalit sa perang nawala.

Mas magiging positive ako sa pag gastos ng pera.
- pag kakain ako e iiwas ako sa mga franchised establishments, wala munang McJo burgers paraa sa akin, wala supersized na slurpee or slush para naman madrive ko ang mga small scale businesses. Tingin ko ok ito at para naman makapag practice ang immune system ko kapag nakakuha ako ng konting mikrobyo sa mami na benta na Mang Kardo. In the end tipid pa ito sa akin, the cguradong mas skilled ang immune system ko later sa paglaban ng sakit. Praktis make perpek nga daw kasi.
- i-eexplore ko ang mga cheaper options na mayroon pa rin namang quality. So instead na Girbaud na pants e maghahanap ako ng pants na ang tatak e G1bo. Medyo close na un. Papasa na cguro. Ewan ko nga lang kung meron nun, T-shirt alam ko meron pero parang di maganda ang fit sa akin.
- katuloy nung nasa taas, hindi na rin ako gagastos para sa mamahaling pabango. Kahit axe rin hindi na. Gagamit ako ng mga organic na pabango, sisimulan ko sa pagkiskis ng mga bulaklak ng rosas na tanim ng ermat ko. As an alternative, gagamit na lang ako ng baking soda para sa deodorant mas effective daw un, mahirap nga lang iexplain later kung bakit may mukhang paste na nasa kili-kili ko.

Sisimulan ko muna dito. Mahirap namang ma-overwhelm pag sobrang dami agad. Ang importante ay magawa ko ito ng tama. At ang intensyon ko ay maganda at tuwid.

Bukas ko ito sisimulan.

Bad trip kasi ako ngaun. Down kasi ako dahil wala akong pera.

Wednesday, May 19, 2010

Nang Nawala Ka

Nang nawala ka hindi ako makatulog ng maayos. Hindi maiwasan nang isip kong bumalik sa mga araw at oras na magkasama tayong masayang nagpapalipas ng oras sa kahit papaanong paraan na gusto natin. Hanggang sa kung anong oras n kaya natin o sa kung anumang oras taung abutin ng pagod at antok.

Bagkus hindi ko man masabing ito ang mga pinakamaliligayang oras ng buhay ko ay masasabi ko namang masaya ako. Masaya ako sa piling mo. Masaya dahil kasama kita at ayos ang lahat sa pagitan natin.

Naaalala mo pa ba ang mga oras na iyon? Mga oras kung saan hindi man lang natin mamalayang lumipas agad ang oras nang napakabilis. Mga araw kung saan nagsisimula tayo pagsapit ng dilim at bigla na lang magugulat dahil nariyan na at mataas na ang araw. Ako, naaalala ko. Ako, hindi ko nakalimutan. Ako, hindi ko malilimutan.

Paano ko nga naman malilimutan kung sa mga oras na un ay magdikit lagi tau. Ang kahit ano mang gustuhin kong gawin mo ay nagagawa ko sa pamamagitan lamang ng ilang kilos nang aking mga kamay. Ang bawat maisip gawin, ni hindi kailangang pag-usapan, ganun ang ating intindihan. Mabilis, biglaan, eksakto.

Biglaan din itong nawala.

Hindi ko rin makalimutan ang gabing iyon. Katulad lang siya ng kahit anong normal na gabing magkasama tau. Ngunit ewan ko ba kung ano ang pumasok sa utak ko, biglaan na lang kitang hinila. Hanggang ngaun hindi ko pa rin alam kung bakit ko ginawa yun. Isang bagay na habang buhay ko yatang pagsisisihan. Habang buhay? Shet! Ang haba non!

Nagsisisi ako dahil alam kong nabigla ka. At nang bumalik ang tino sa isip ko at alalayan kita ay nakitang kong bigla kang namula. Biglang- bigla, katulad nang pagkakasigurado kong aakyat sa langit ang araw sa umaga, ang buwan pag gabi, na ang mga ibon ay lilipad, na unti-unting mamatay ang mga peryodiko dahil sa internet, na kape ay mananatiling kulay itim at ang mga batang bagong tuli ay hinding-hindi tatakbo, ay alam kong hinding-hindi na magiging kapareho ng dati ang relasyon natin.

Ang masaklap nyan....tama ako.

Hindi na nga bumalik ang dati. Hindi na.

Pero pangako. Gagawa ako ng paraan. Gagawa at gagawa ako ng paraan. Ibabalik ko ang nakalipas. Ibabalik ko. Pangako.

Aaminin kong hindi ko kayang simulan ulit ang ganoong klaseng relasyon sa piling ng iba. Hindi ko kayang ilabas at ipakita muli ang mga parte ng katauhan kong sau ko lang naipakita at naipadama. Hindi ko kaya.

Kaya pangako. Aayusin ko ang lahat.

Aayusin kita. Mahal pa kasi ang bago. Pangako yan, XBOX 360 ko.

Tuesday, February 9, 2010

Ang presyo ng isang kaibigan

May mga kaibigan ako. Marami-rami sa tingin ko. May mga hindi ko nakita ng matagal kasi nasa abroad. May mga hindi ko nakita ng matagal kasi laging magkaiba ang day-off. May mga hindi ko nakita ng matagal kasi busy sila sa career nila. Maging pagbenta man ito ng panty at bra o dahil isa na silang Vice-President of Development sa isang malaking software company sa States.

Marami sa kanila patext-text na lang. Ung iba pag may mga holidays lang nakakaalala. Mayroon sa mga yan pag grineet ako ng Merry Christmas ay hinding-hindi makakaligtaan na paalalahanan akong historically speaking e hindi pwedeng December pinanganak si Jesus. May ilang din parang nag stumble upon lang sa phonebook nila at biglang makakaalalang mag-padala ng text. Ung bang totally random talaga at matatanggap mo ung message pag nakaupo ka sa kubeta, palabas na palabas na si Mr. Poo-poo, at kumbaga sa babaeng nanganganak ay labas na ang ulo. Ganon, karandom. Malupit pa dyan, ang next na text nya ay 2 months later habang nasa finals ka ng company sanctioned NBA2k10 tournament nyo at pinundot mo na ang button para tumira with :01 n lang sa game clock. nang marinig mo ang message alert tone mo. Buti na lang lamang ka ng 2 points at free-throw lang yun.

Ganyan ang mga kaibigan. Kung tutuusin, kahit nga kung paano kayo naging magkaibigan in the first place minsan totally random din e. May mga kaaway dati. Kasapakan sa rambol. Tropa ng ex-girlfriend na laging kontra dati sau. Tropa ng tropa ng ex-girlfriend na laging kontra sau na naging girlfriend mo din overnight bago nyo na realize na para kaung tanga at narealize na lasing lang kau kinabukasan. Ultimate kaaway nung kabataan mo na ang favorite past time e ipunas sau ang uhog na never nag stop iproduce ng napakalapad nyang ilong.

Napapangiti ka ba?

Dami pa nila di ba? Naaalala mo ngaun ung pinsan mong matagal mo nang hindi nakakusap mula nang nagasawa, pero nung dalaga pa ay kasama mong humihiyaw everytime makita nyo si Diether Ocampo sa TV.

Naaalala mo na? Naaalala ka rin nila.


Kaya pag may nakita kang kaibigan, kahit saan. Kahit sa palengke pa yan, o sa open-air na SM. Kalabitin sila, at pag hindi ka nila nakilala agad, ipaalala kung sino ka. At kung saan kau dati nagkatagpo.

Baka matagal ulit, bago mo siya makausap.

At baka hindi ka niyan bilhin sa "friends for sale."